cool hit counter
Home » Issues » Isang Hibla

Isang Hibla

Ang watawat ay isang sagisag na ang taglay ay ang kaluluwa ng isang bansa, ng kaniyang kasaysayan ng Pilipinas, at ng paninindigan ng mga nagsakit alang-alang sa kapakanan ng bansa.

Kung pagtuunan natin ng pansin ang ating sariling watawat, ang asul ay siyang sagisag ng kapayapaan, katotohanan at katarungan. Ang pula naman ang siyang sagisag ng ating pagka-makabayan at katapangan. Ang araw ay siya namang sagisag ng pagkakaisa, kalayaan at demokrasya ng katauhan. Ang tatlong bituin ay ang Luzon, Visayas at Mindanao. Ang walong silahis ng araw ay kumakatawan sa walong lalawigan na naunang mag-aklas laban sa mga Kastilang mananakop. Ang tatsulok na puti naman ang sagisag ng Katipunan – ang lihim na kapisanan na nagpasimula sa pag-aklas laban sa pamamahala at patakaran ng Kastila.

Ang mga katangian tulad ng katapangan at pagkamakabayan ay inaasahang likas sa ating mga Pilipino upang makamtan natin ang kapayapaan, katotohanan, katarungan, pagkakaisa at kalayaan ng ating Inang-Bayan.

Subali’t ang malaking katanungan ay paano mo masusukat ang pagkamakabayan at katapangan ng isang Pilipino?

Sa aking pang-unawa, ang pagkamakabayan o pag-ibig sa bayang kinamulatan ay maipadadama sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagmamagandang-loob, pagka-mahabagin at pagsasakripisyo. Sa akin ding pang-unawa, ang tunay na pag-ibig ay “wala itong bahid ng inggit, pagmamataas o kahambugan”.

Ngunit bakit kaya ibang kaugalian at pananaw ang nakikita sa atin ngayon? Bakit tayo naeengayanyo sa madaling pagkakakitaan kahit ito ay hahantong sa panloloko, pagtulak ng droga o paglako ng katawang laman? Bakit mas matimbang sa tao ang pagpataw ng “utang na loob” kesa “pagmamagandang loob”? Bakit natin inuuna ang pag-aksaya ng pera at panahon sa kamunduhan kaysa sa bigyang habag ang mga nangangailangan? Bakit inuuna natin ang makasariling hangarin kaysa sa pagpapakasakit? Bakit tayo nagtatapon ng basura kung saan-saan na lamang? Bakit natin inaabuso ang ating likas na yaman at kapaligiran?

Maaaring ang palagi nating naririnig na dahilan sa mga maling ugali ay “kahirapan”, nguni’t hindi natin maikakaila na di monopolya ng mahihirap ang ganitong ugali. Laganap ito sa ating lipunan.

Hindi mo rin maitatago na di maiwasan ng marami sa atin ang tsismisan, inggitan, siraan at pagkamuhi sa iba. Sa ating kayabangan, kahit hirap tayo sa buhay, gagawin natin ang lahat (kahit pagnanakaw, pagkabit sa asawa ng iba o panlilinlang) upang matugunan ang kayabangan sa katawan – makita lang ng kapitbahay na nakaka-angat tayo ng kaunti kaysa sa kanila. Ang buong akala ko pa naman ang pagkamakabayan ay ang pagmamahal sa bayan at kapwa tao. Bakit bigla yatang ibang-iba ito sa larawang ipininta ng ating mga ninuno nuong pinapanukala nila ang watawat ng Pilipinas?

Ukol naman sa katapangan: Ayon sa diksiyonaryo, ang katapangan ay kabuuan ng loob sa pagharap sa panganib lalo na sa digmaan, tagisan o pagbabaka. Subali’t sa pakikibaka sa buhay ibang tapang ang ginagawa ng iba. Nandyan ang di pakikipagkasunduan, panggagantso o pagtatalak; nakalimot na tayo sa systematikong pag-iisip at paggamit ng utak.

Hindi natin maitatanggi na malaki ang suliranin ng ating lipunan ngayon, kasama na dito ang ekonomiya, kalusugan, edukasyon, krimen, kahirapan… ang panunuhol, pangugurakot at huwad na pamamalakad ng gobyerno, lipunan at kapwa tao. Ngunit sa halip na harapin natin ang mga iyon ng buong loob at buong puso, marami sa ating may pinag-aralan naman ang nagbubulag-bulagan sa gitna ng kagipitang ito. Halos marami na sa atin ang sumuko at nagwawalang-bahala. Ito na lang nga ba ang hangganan ng katapangan ng mga Pilipino?

Nagagampanan ba talaga natin ang ating katungkulan bilang isang mamamayan? Nasaan ang katapangan at pagka-makayaban na inaasahan sa atin ng ating mga ninuno? Talagang lahat ng ito ba ay bahagi na ng nakaraan? Marami sa atin ang di tumatangkilik ng ating sariling produkto. Marami rin ang nagpabaya sa sariling pamilya, tinuturo ang maling pamamaraan sa buhay upang makaraos lamang. Marami ang wala ng pagpapahalaga sa ating dangal at kagitingan. At naroon din ang mga nakalimot na ng marangal na pamumuhay, paggalang sa kapwa at sa sarili.

Ang bawat isa sa atin ay bahagi ng ating watawat. Ikaw, ako, ay isang hibla ng kanyang kabuuan.

Paano natin matatamo ang inaasam nating kapayapaan, katotohanan, katarungan, pagkakaisa at kalayaan ng ating Inang-Bayan kung tayo na isang hibla sa bandilang ito ay nanghina na? Paano natin maipagmamalaki ang bandila kung ang kulay nito’y unti-unti ng kumukupas? Isang maliit at marupok na hibla ang simula ng pagkasira ng ating simbolo… tayo ang watawat ng ating Lupang Sinilangan. Ano pa ang kabuluhan ng ating simbolo kung tayo mismo ay sumuko na? Karapatan nating mabuhay ng mapayapa nguni’t tungkulin din nating magbigay pansin at kulay sa mga nangyayari sa ating kapaligiran.

Hindi lahat ng pagkakataon, pagsunggab lang ang ating gagawin, kailangan ganapin din natin ang ating tungkulin sa lipunan sa pagdulot ng kabuluhan sa kapwa at lipunan – “give and take” ‘ika nga, hindi lang laging puro kabig – sa gayon ay maging balanse ang buhay. May kasabihan ngang “ang di lumingon sa pinanggalingan, di makakarating sa paroroonan.”

Ano ba ang naidulot nating sakripisyo sa bansang kumupkop sa atin?

Ikaw, isang hiblang parte namin… kailangan maging matatag ka. Sa isang hibla na dumupok sa kawalan ng pag-asa, maaari kang mahila at makawawasak ng ating dapat ipagwagwagan.

Kapwa ko hibla, kailangan tayo ng sambayanang Pilipino. Nasaan ka?

Other post/s by Bless Salonga

If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or using these buttons to share it with your friends in your social network.

Do you like to recommend us to your friends? Here are some who did.


Compare hotel prices and find the best deal - HotelsCombined.com

5 Responses to Isang Hibla

  1. avatar

    Bless Reply

    July 26, 2011 at 1:42 pm

    Thanks for the opportunity to provide me the medium to communicate with our fellow “kababayan” using our beautiful native language. I thought I’d show you another version in poetry form.

    Inspired by the recent articles I read about our dear Philippines belonging to one of the 7 countries with increasing HIV cases, being amongst the top 5 nations with most trafficking victims in the world and ranking 51st amongst the 60 Failed States, I felt compelled/challenged to write something in our native tongue. UNITY beckons…

    ISANG HIBLA
    Bless Salonga

    Pinapahayag ng watawat ating kasaysayan at paninindigan
    Binibida ng pula ang ating katapangan at pagkamakabayan
    Asul sa hanggad na katarungan, katotohanan at kapayapaan
    Ang araw sa pagkakaisa, kalayaan at demokrasya ng bayan

    Ang walong silahis ng araw ay walong probinsya ang kinakatawan
    Triangulong puti’y sagisag ng lihim na kapisanang Katipunan
    Ang tatlong bituin – Luzon, Visayas at Mindanao syang kahulugan
    Saysay ng mga Ninuno taglay nating katangian at paninindigan

    Kay sarap pakinggan ang mga Pilipino ay likas na makabayan
    Paglipas ng maraming panahon, ito ba ay isa ng nakaraan?
    Naglahong pagkakaisa at tapang sa pagharap sa katotohanan
    Ngayo’y nakumprumiso ang kapayapaan at kalayaan ng Bayan

    Sa halip na magkaisa, mamamayan natin ay nagkanya-kanya
    Naaakit sa madaling pera, layunin ay magmataas sa iba
    Pag-abuso ng paligid, kamunduhan, inggitan, siraan at estafa
    Inuuna ang luho sa sarili kesa sa pagtulong sa kapwa nila

    Nasa’n ang katapangang tinutukoy sa digmaan at pakikibaka?
    Malaking hamon ang bulok na systema at hirap na ekonomiya
    Kalusugan, edukasyon at krimen ay ipinagwawalang bahala
    Anong bisa ng dasal sa mga nagbubulang-bulangan at sumuko na?

    Nagtuturo pa minsan ng maling pamumuhay ay sariling pamilya
    Sakripisyo, dangal at kagitingan pinawalan na lang ng halaga
    Nakalimot ang iba pag-respesto sa kapwa, maging sarili nila
    Kadalasang dahilan ay kahirapan kaya umaasa sa iba

    Karapatan ng lahat ang mamuhay ng malaya at mapayapa
    Ngunit tungkulin natin ang maglingkod sa bayang dukha
    Hindi sa lahat ng pagkakataon kabig lang ang ating ginagawa
    Ng mabalanse ang buhay, magbigay at ibalik ng sapat at tama

    Tunay na katapangan at pagkamakabayan – tungkulin sa ating bansa
    Ginaganapan ba natin ito? Tayo’y maging magandang halimbawa?
    Lahat tayo’y bahagi ng ating watawat; ikaw, ako ay isang hibla
    Ang pagkupas at kahinaan ng isa ay pagkasira ng buong masa

    Kailangan ka ng bayan! Huwag kang sumuko, huwag kang magpahila!
    Lahat tayo ay mahalaga bagaman ang bawat ay isa lang hibla.
    Isang bansa, isang wika. Isang adhika, itaas isang bandila!
    Magkaisa para sa bandila. Isang bandila ng pagkakaisa!

    FOR MORE INFO: http://www.emanilapoetry.com/writersgroup/index.php/isang-hi
    bla/

    • avatar

      Violi Reply

      July 27, 2011 at 6:14 pm

      Bless,
      Naipadama mo iyong mambabasa ang kahulugan ng ating watawat at ang katungkulan ng bawat isa sa atin na hibla niya. Nawa ay magising ang mga natutulog at di nakakarinig sa panawag ng ating Inang Bayan.

      Sa pagbubuklod-buklod na maging isa, nakasalalay ang ating pagasa na nararapat tupadin para sa bayan ay magingibabaw sa bawat gawa at salita nating lahat.

      Mabuhay ang Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas!

  2. avatar

    Bless Reply

    July 31, 2011 at 11:35 am

    Salamat, Violi. Ang bayang buklod ng pagkakaisa ay mas magigiging makulay at makahulugan kaysa sa isang watawat na punit-punit na.

    Panawagan ko lamang sana: h’wag nating yurakan ang tatak ng ating bayan sa walang kabuluhang inggitan, yabangan, panlalamang at maling katapangan. Ganoon kahalaga ang pag-papasensya, pag-papatawad, pang-uunawa at pag-sasakripisyo – ang tibay ng lahat ay nakasalaylay sa lakas ng isang hibla.

  3. avatar

    Lutgarda Espiritu-Pendleton Reply

    October 26, 2011 at 4:45 pm

    Napakagandang sanaysay at tula..Bless. Nais kong magpasalamat sa napakagandang mensahe ng isang pagiging isang tunay na Pilipino mula Luzon, Visayas at Mindanao. Ang Pilipinas katulad din ng bansang Australia na aking naging tahanan sa makalipas na mahigit na 2 dekada ay binubuo ng maraming lahi katulad ng mga Intsik, Amerikano, Kastila, katutubo at iba pa. Sa panahon na ito ng pagiging “global citizen” na kung saan maraming mga Pilipino ang halos lahat na nasa buong mundo hindi maiiwasan ang marami nang lahi ang nakakahalo ng isang Pilipino. Katulad na lamang ng tinatawag na “cross-cultural marriages” Filipino-American, Australian, Japanese, Irish at marami pang iba..ngunit ang napakagandang isispin ang mga nagiging bunga nito ay ikinararangal nila na sila ay nagmula rin sa liping Pilipino. Mabuhay kabayan.

  4. avatar

    Bless Reply

    November 4, 2011 at 12:16 pm

    Salamat, Lutgarda. Ang nakakatuwa sa marami sa atin kahit na nasa dayuhang bansa tayo, suot pa rin natin ang watawat sa katauhan natin; iniingatan na manatiling wlang bahid. Mabuhay tayong lahat!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>