Hindi Kita Malilimutan (Ikalawang Bahagi)

MGA LIHIM SA LIKOD NG LIHAM NA DI NA NAIPAALAM SA KATOTONG NAMAALAM (Pahabol na Elehiya Para Kay RJ)

Bigla-bigla, halos di ko pa rin matanggap, napasama sa listahan ng mga yumaong mga kapwa artistang nabanggit sa unang bahagi ng artikulong ito ang batambatang si RJ Rosales: 37, mang-aawit, actor, dati kong bidang lalaki sa aking mga palabas sa Teatro at lead singer din sa mga popular concerts na idinirek ko sa Sydney mula 1995 hanggang sa pagpasok ng milenyo.

Kadalasan iba palagi ang dating kapag “celebrity” ang involved, o kung kapwa artista ang biglang namaalam, lalu pa’t biglang-bigla ang pagpanaw at di agad nilinaw kaya sari-saring tanong ang naglilipana hinggil sa paraan at kadahilanan ng kanyang paglisan.

The ever-smiling RJ Rosales with vivacious Vina Morales and FILIPINAS-PETALS fellow  resident artists: Fe Enriquez, (PM),  RC Reyes, Mars, Benny Chan,and Gary Dagdag now in Dubai.
The ever-smiling RJ Rosales with vivacious Vina Morales and FILIPINAS-PETALS fellow resident artists: Fe Enriquez, (PM), RC Reyes, Mars, Benny Chan,and Gary Dagdag now in Dubai.

Sa maraming naging kasamahan sa sining ni RJ, sadyang kalabisan nang sabihing napakalaki niyang kawalan lalu pa’t ang dami pa niyang maibubuga para sa Sining. Sa mga naging malapit sa kanya isang matinding kirot sa puso ang kanyang pagyao, samantalang sa iba naman ay patuloy at patuloy na gumigiyagis sa isip ang kanyang malalim, masalimuot, mahiwagang pagkatao.

Pero sa dinami-dami ng mga outpourings o pagdadalamhati sa maaga niyang pagpanaw, may namuo sa aking isang pagpapaliwanag kung bakit si RJ ay kinuha na agad ng kanyang Tagapaglikha kaya marahil siya maagang namaalam sa mundo.

Sa palagay ko, in metaphorical terms, tila pinili siya ng Panginoon para maging bagong miyembro ng mga koro ng mahuhusay na mag-aawit sa langit na mula pa sa iba’t ibang lupalop ng mundo. Hindi siya mangungulila doon. Aba, nadagdag pa man din kamakailan lang sa kanilang liga si Whitney Houston – ang pinakabagong diamante sa “tiara” ng langit. Siyempre pa, kabilang si RJ sa mga “precious gems’ na bumubuo noon, I mean, both the tiara and the choir in heaven.

Sa ganitong pagkukuro, mas may saysay di ba, makes perfect sense, ika nga, of what may otherwise seem so untimely, even pointless death. Kasi tanda ko, nagsimula rin si si RJ bilang kantor, miyembro ng koro sa iskwelahan at sa komyunidad. Ngayon kabilang na siya sa koro ng piling mga bituin sa langit.

Dahil isinilang siyang may dugong artista at itinakda para maging actor-mang-aawit, itinalaga ng mga Musa ng Sining na madiskubre siya ng SBS broadcaster na si Richie Buenaventura at pinagkalooban ng pagkakataong mag-record ng mga awiting pop na isinalin sa Filipino ni Richie. Ang tanda ko may unang nasamahan si RJ na parang musical play din na “Bahay” something ang titulo na si Richie rin ang sumulat bilang malaking fund raising production ng sinisimulan pa lamang noong noong MPC. Kung di ako nagkakamali, mga taong 1993 ito dahil hindi pa ako nagma-migrate dito sa Sydney.

Nung dumating ako rito by early 1994 at itinatag namin ni Benny Chan ang Filipinas-Petals bilang kauna-unahang semi-professional Community Theater Group sa Filipino community sa NSW, napasama si RJ sa tinatawag na resident artists. Siya ang pinaka male romantic lead namin . Maging sa mga lokal na konsyerto sa komyunidad na dati kong madalas maidirek,si RJ rin ang most-sought after homegrown talent na tampok bilang front act sa mga dumarayong pop singers sa Manila dahil nga may sarili na siyang hakot na crowd.

Sa timbangan ng Sining, lalu na sa Teatro halimbawa, anumang tagumpay ang maangkin ng mga batang artistang nagdaan na sa iyong directorial guidance, ay masasabi ring husgahan o batayan ng sarili mong tagumpay. Kaya, hindi ko malilimutang ako ang unang naging propesyonal na director ni RJ sa isang experimental play-with-music na pinamagatang “Bayan-Bayanan sa Sydney na itinanghal ng Filipinas-Petals noong 1994 sa Burwood RSL. Naalala ko, nung nagdro-drawup pa lang kami ng year-round Season of Productions, si RJ ang naging inspirasyon ko para i-transform into a musical ang pamosong mahabang dula ng yumao na ring si Boy Noriega tungkol sa buhay-buhay ng mga migrante at overseas workers sa Geneva, Switzerland. Di pa uso noon ang salitang “deconstruction” sa Teatro pero yun ang ginawa ko para ma-adapt at ma-localize sa Australia ang dulang may makatotohanang mensahe na maari ring maisalin into an Australian setting and way of life. Tapos dahil wala akong composer noon na makagagawa ng mga musika, ginamitan ko ng mga kontemporaryong awit gaya rin ng ginawa sa “Moulin Rouge” the movie. So kung tutuusin at di sa pagbubuhat ng sariling silya, nauna pa ako bilang director na nag-eksperimento sa paglalapat ng mga classical pop songs (kundiman, OPM man o contemporary) kaysa kay Baz Luhrmann.

Hindi rin matatawaran ang powerhouse cast na pinangunahan ni RJ bilang bidang lalaking si Dino – adventurous and idealistic, at gullible din pero punung-puno ng buhay o joie de vivre sabi nga sa Pranses – bagay na bagay sa temperament niya. Nakatuwang niya ang tanyag na tanyag noong country and sultry chanteuse na si Chit Conway. Hindi niya makalilimutang bukod sa “baptism of fire” niya iyon o kauna-unahang paglabas sa isang semi-professional na produksyong musical, doon din niya naranasan ang kanyang “unang halik” sa entablado.

Sa totoo lang, ang mga nabanggit sa itaas ang mga missing information sa Wikipedia, dahil wala man lamang nabanggit doon sa extensive community theater background ni RJ sa Filipino and larger multicultural community sa NSW, bagay na inihahabol ko rito upang makapukaw ng karampatang atensyon sa mga biographers ni RJ at mabigyang hustisya pati kaming mga unang nakasagupa niya sa larangan ni Sining.

Pagkatapos ng mga tatlong taon ring pagpupunyagi ni RJ sa komyunidad bilang isa sa mga pangunahing pride ng Filipino community artists sa Sydney, tuluyan na siyang tinangay ni Lady Luck at isinabak sa mga “Miss Saigon” hopefuls. (Attention RJ biographers. Dito lang nagsimula ang Wikipedia entries tungkol sa career ni RJ, kaya ang importanteng maisulat ang pahabol na pagdaragdag na ito.) Napakarami nila, male and female total performers na pare-parehong magagaling kaya kung saan-saang panig ng daigdig ang binagsakan matapos ang kanilang initial exposure o “baptism of fire” in this professional seminal musical theater experience.

Sa kaso ni RJ, sa last batch na siya ng Miss Saigon recruits napasama pero nakapag-Thuy pa rin siya sa Sydney at sa Perth. Bukod sa unang sabak niya bilang miembro ng Koro, nag-understudy rin siya kay pantastikong Leo Valdez at nakalabas bilang Engineer na umani ng Best Supporting Actor nomination sa Helpmann Awards for Live Entertainment in Australia. May isa pang kaparis ding best supporting actor nomination na nakuha si RJ, sa kauna-unahan namang paglabas niya sa pelikula sa Pilipinas, “Blue Moon” noong 2005 Metro Manila Film Festival. Bagama’t nominations lamang matibay na patunay ito ng kayang limitless talents sa iba’t ibang medium.

Kaya nung sumabak siya sa Maynila madali siyang napiling host ng ASAP, most popular noontime TV show with Pops Fernandez habang umaalagwa naman sa ere ang hit movie theme song nila ni Carol Banawa na pinamagatang “Together Forever.” Dito medyo kumpleto ang Wikipedia sa listahan ng kanyang mga stage, TV, film appearances and guestings. Nakapag-recording din siya ng CD album. Pagkatapos, gaya ng iba pang nangyari sa mga paris niyang tubong-Miss Saigon, napadako at napadpad naman siya sa Singapore kung saan naging pangunahing tauhan at pambatong mang-aawit siya ng mga broadway at West End musical theater reproductions doon gaya ng “Chang and Eng,” isang original Singaporean musical ba kauna-unahan niyang pinagbidahan noong 1991 at muling naulit kapagdaka at “Into The Woods”, na siya namang kahuli-hulihang nilabasan niyang musical roon nung 2011.
Matapos kuminang pansumandali ang kanyang mga bituin sa Pinas, sa Singapore lubusang nagningning ang kanyang mga bituin. Doon siya itinuring na parang isang Ricky Martin sa katanyagan, talino, kakisigan at lahat-lahat na.

Alam mo RJ, sa totoo lang aaminin ko na, hindi naging madali ang paghabi ng una at huling bukas na liham na ito para sa iyo kaibigan. Marami tayong pinagsamahan sa Teatro nung nagsisimula ka pa lang, naging kabangga at kaalyado kita sa mga proyektong pansining na siyang nagpakilala sa atin sa ating komyunidad sa Sydney at nagtulak sa ating makipagsapalaran sa daigdig ng Sining na madugo ang kompetensya lalu na kung nasa mainstream/commercial theater na pinasok mo sa Pinas na pinanggalingan ko naman. Kaya matira matibay talaga ang labanan, palaging Masaya pero marami ring nakakubling lungkot at pagdurusang nakaalibadbad depende sa takbo ng iyong career o kung gaano mo nasusumpungan ang katugunan ng iyong mga pangarap sa mundong pinili mong tahakin at ipinagpupunyagi.

Hindi ko rin maubos maisip kung bakit basta nangyari na lang na sinimulan kong isulat ang aking “tagulaylay” na ito sa wikang Tagalog. Hindi ko kasi masakyan o masapul ang rima o rason ng iyong biglang pagtalikod, kung baga “Huling Patutsada sa Mundo” na titulo ng isa kong mga tula. Hindi ko na rin inalintana, basta sa sariling wika namutawi, nanulay, at nabuo ang mga ideya, pangitain, at iba pang imaheng nag-uunahang magsumiksik sa aking inla at naglalaro sa aking balintataw. Walang kawangis ang wikang kinagisnan. Walang kasimpuro, kasindalisay, at kasing-IKAW nung una kitang masilayan.

Bukod pa rito, higit na madaloy at walang halong kasinungalingan ang magpahayag ka sa sarili mong wika. Hindi nangangahulugang pag isinulat ko ito ng pulos Ingles ay magiging “peke” ang dating kundi yun bang parang nababawasan ng realidad, ng katotohanan, ng igting o “punch” . Tuloy pati na ang mga tunay na damdamin ay di gaanong naisasaad. Alam na alam ko ito bilang professional interpreter dahil ilang beses na akong naharap sa situwasyong napakadrama ng sinasabi sa Tagalog at alam kong gaano man ako kagaling ma-capture lahat-lahat something will always be lost in translation, ika nga. Kasi pag iningles mo na, somehow parang nagiging pormal ang suma total. Iba pa rin ang sariling atin.

Ah basta! Kailangang maisulat ko ito para maibulalas ang mga saloobing mahirap na maiwang kinikimkim. After all, walang pinipiling panahon ang pamamaalam. Kaya, huli man daw at magaling, maihahabol at makahulugan pa rin.

Tunay nga, matalinghaga, malungkot, at masalimuot ang ating mundong ginagalawan. Para sa mga tunay na may dugong artista, hindi madali sa atin ang magpaliwanag ng tinatakbo ng ating isip, ang lalim, lawak at lagom ng ating mga damdamin. Kadalasan hindi nauunawaan ng ating madla ang ating inuugali at ikinikilos, ang tayog at takbo ng ating isip, at kung saan natin inaapuhap ang pinaka-ultimong kalayaan at kaligayahan hangad ninuman subalit nagbabagong kulay at kahulugan pagdating sa ating mga artista.

Sabi nila, kakaiba talagang mga artistang tunay at wagas na alagad ng sining. Una – ginagawa natin ang lahat, upang patuloy at patuloy na mahasa sa ating Sining. Pangalawa – para humusay tayo nang husto, nagwo-workshop tayo sa mga “guru” at nakahihigit sa atin habang patuloy ang pagbabasa at sariling pag-aaral natin upang madagdagan at lumalim/lumawak ang ating talino,kakayahan, abilidad, at sensibilidad pati na ang ating pakikipagkapwa tao o paniniwala sa Diyos. Pangatlo – walang sawa nating ginagalugad ang puno’t dulo, ang alpha at omega ng ‘perfection ‘ sa pagtatangkang magpakaiba sa karaniwan at nakararami at makalikha ng sariling kakintalan o pagkakakilanlan.

Kaya, damang-dama ko ang damdamin at ibig sabihin ng katotong RC Reyes, pagwika niya ng “iba si RJ” dahil nung repeat performances pinangarap niyang sana’y ikaw pa rin ang kanyang star attraction, pero sa malas, iyon na pala yung una at huli ninyong pagsasama – sa kauna-unahang pagtatanghal o world premiere ng “HER SON. JOSE” sa Australia na ikaw ang kumatawang Jose Rizal. Nakatutuwang isiping, 37din, kasing edad mo, nung naging dakilang martir at bayani ng sambayanang Pilipino si Rizal. I’m sure naging “Bayani” ka rin lalu na sa mga kabataang pinahanga mo sa ating komyunidad maging sa mga nakatatandang nakamalas ng iyong galing sa pag-arte at pag-awit.

Pasensiya ka na, hindi ko ito matapus-tapos, kayo ngayon ko lang nailabas. Pero sa totoo lang, mula’t sapul nung mabalitaan ko, sinimulan ko agad mag-blog. Nung una di ko alam kung saan ko huhugutin, kung saan ko sisimulan. Nung nakausad nang kaunti ang dami nang mga di-maibunyag na bagay ang nagkasala-salabat – bagay na naging dahilan kung bakit napag-isip kong parang ayaw pa niyang magpatuldok. Sa totoo lang, either tumatanda na talaga ko, pero ngayon lang ako lubusang nahirapang sumulat ng isang elehiya na ….HANDOG PARA SA IYO LAMANG…SAPAGKAT IKAW LAMANG …IKAW ANG NATATANGING RJ….

Sinubukan kong tapusin, pero sa bawat pag-alimpuyo ng mga damdamin naging maliwanag sa isip kong hindi ko ito maisusulat nang ganun na lang, lalu na’t matindi pa ang hapdi ng dagling paglisan. Kaya minabuti kong iwan na muna pansamantala. Binabalik-balikan ko ito, araw gabi, pero lagi, sinasakmal ako ng mga nag-aalimpuyong damdamin, dinadaluyong ng sa sarili kong takot to succumb to my own personal demons, at nadadarang ng pag-iisa …”solo entre las sombras” (nag-iisa sa karimlan). Sa sarili kong peregrinasyon, nakipagbunung-braso din ako sa kalungkutan, pag-iisa, ennui, and countless uncertainties that confront us in our daily seemingly miserable life.

Tuloy nagsisikip ang dibdib ko, nanlalabo ang aking paningin, at di-maampat ang pagbalon ng mga luha – hindi lamang para sa iyo kundi para na rin sa akin. Kaya nga inilagay ko na sa malalaking bold font ang tinatype ko para madali kong mabasa at maituloy. Natatawa tuloy ang partner ko sa tuwing matatanaw niyang ang lalaki ng mga tipo ng tinatype ko sa aking laptop. Nasanay na siyang kapag natitiyempuhan akong may sinusulat akong maselan o marubdob, nakikita niya sigurong nagda-drama akong mag-isa. Nag-momonologe ba, daig pang isang dakila o isang baliw, gaya ng isinasaad sa ginintuang titik ng isang klasikong awiting sariling atin. Kung di man ako maratnang nagsasanta-barangka sa harapan ng minamakinilyang sulatin, natutulala na lang siya at tahimik na inuunawa ang aking pakikipagtiryahan o pakikipagbatuhan ng litanyang halos walang katapusan.

Hitsura ng ABS-CBN soap opera! At may matching pa man ding Maria Callas’ na pananaghoy kaya tuloy para makapagsarili sa sarili niyang tahimik na mundo napipilitan na lamang lumipat nang kuwarto ang partner ko dahil sa nakakukulili at walang sawa kong pagpapatugtog ng iba’t ibang bersyon sa You Tube ng “Vesti la giuba(Put on the Costume) – ang pang tenor na aria mula sa operang Pagliacci ni Leoncavallo na ini-imagine kong inaawit mo o inaawit ko para sa iyo. Papalit-palit, paulit-ulit, mula sa mistulang pagdudung-aw ni Caruso hanggang sa paghikbi ni Pavarotti.

Ang totoo niyan, parang ayaw kong tapusin, kasi hindi ko pa lubusang tanggap. Sa pakiwari ko, hangga’t di ko tinatapos nandiyan ka pa rin – buhay na buhay – RJ na RJ, walang ibang RJ ROSALES.

Alam mo. Hindi nga kita sinilip sa kabaong dahil naging ugali ko na ang hindi tumitingin sa kabaong ng mga kaibigan kong namamatay. Mas gusto ko na yung kung ano ko sila huling nasilayan yun ang naiiwang hitsura nila sa akin habang buhay. Ganoon ka rin kaibigan.

Naalala ko yung pinakahuling pagkikita natin nung isang taon – nung araw na dumating si Leah Salonga para mag-ensayo dito ng kasalukuyang CATS musical na ginagawa niya with the Sydney Company na ipalalabas sa Pinas. Kadarating ko rin lang noon mula sa halos tatlong taong pabalik-malik sa Maynila dahil nga ang dami kong magagandang projects noon. Kaya nga ang dami ko rin sanang gusto ihayag sa iyo. Pero, somehow, methink, inilihim ko muna at sa isip-isip ko tatawagan na lang kita para makapagsarilihan tayo at “mag –catch up” wika nga.

Sa malas ay di na mangyayari yon.

Sa Teatro kasi hindi ba, may kasabihan tayong kapag may pinahihinog kang big project, huwag na huwag mo na munang maikukwento kaninuman kasi baka maudlot o masangkapan ng malas di tuloy matuloy. Kaya kinontrol ko munang sarili ko kahit alam kong hindi mo iyon mapahihindian. Kuruin mo – kukunin sana kitang bida sa isang bagung-bagong Pilipino musical na pinamamahalaan ko sa Pilipinas.

Damdam ko, bibitawan mong lahat ng ginagawa mo magawa mo lang yon – kasi yon ang katuparan ng panaginip ng bawa’t artistang tulad mo. Iyon na ang magsisilbi sanang pinakatugatog ng iyong tagumpay bilang actor-mangaawit ng musical theater – ang maging bida sa isang obrang sariling atin higit pa kaysa sa nagawa mo nang pagbibida sa mga ibang foreign musicals gaya ng mga pinagbidahan mo sa Singapore. Hindi nga ba’t ako rin ang kauna-unahang sumulat ng feature articles sa PCHN tungkol sa iyong mga tagumpay sa Singapore at sa Pinas nang minsang mapadalaw ka dito isang Pasko.

Iyan ang lihim na hindi ko na naibunyag sa iyo kaibigan. Hindi mo na nahintay. O sadyang hindi siguro ukol kaya, di na bumukol. Dahil mas may mahalagang papel kang gagampanan sa langit. Tanggap ko na yon…ngayon.

Paano mo nga ba tutuldukan ang buhay at kapanahunan ng isang kapwa alagad ng Sining?

Noon pa man, maaga akong nakaranas ng samutsaring dagok sa buhay, kaya mabilis akong nakapagbuo ng mga pagkukuro at paniniwalang patuloy at patuloy na pinapanday ng panahon at lalong pinagtitibay sa palihan ng buhay. Isa sa mga naging paniwala kong iminulat sa akin ng isang henyong “guru” ay kung anong ang natatangi at pangunahing kaibhan nang mga tunay na alagad ng sining sa mga pangkaraniwang tao lamang: iyon ay sapagkat nililok at binasbasan tayong mga artista ng Poong Maykapal. Samantala, ang mga naturingang lider o politiko, ay inihahalal lamang ng taumbayan.

(I have always thought and felt, that the main difference we artists make from ordinary mortals is that we are molded and anointed by God. Leaders and politicians are merely elected by the people.)

Kaya pakiramdam ko, may bagay akong sinimulan na kailangang ayusin, obrang dapat tapusin, o hinubog na kailangang buuin kapara ng marubdob na dulang ang tagal ko nang di- matapus-tapos.

Iiisa kasi ang prosesong pinagdaraanan sa paglikha (creative process). Pareho lang ang pinagdaraanang pag-kukuro at iyon at iyun din bagama’t sali-salisi ang landasing tinataludtod ng mga saloobin. Kaalinsabay ng pagluluwal ng isang obrang masining sang-ayon sa timpla ng panahon, kasalukuyang saloobin kung di man lukso o bugso ng damdamin, o kaya’y dikta ng mga Musa, o rumaragasang takbo ng mga pangyayari.

At the end of the day, ang pinakadakilang ambag ng isang artista sa kanyang bansa at kapwa Pilipino-Australyano ay ang kanyang sarili. (Indeed, the greatest legacy of an artist to his nation and his fellowmen is himself.)

Bilang pagtatapos hayaan niyong i-share ko ang ilang paborito quotes from my favorite novelist:

People do not die for us immediately, but remain bathed in a sort of aura of life which bears no relation to true immortality but through which they continue to occupy our thoughts in the same way as when they were alive. It is as though they were traveling abroad.

We say that the hour of death cannot be forecast, but when we say this we imagine that hour as placed in an obscure and distant future. It never occurs to us that it has any connection with the day already begun or that death could arrive this same afternoon, this afternoon which is so certain and which has every hour filled in advance. ~Marcel Proust

(Ang susunod sa seryeng ito will be a most timely departure from the macabre, rather heavy subject matter of death. Sa halip, magce-celebrate naman tayo ng LIFE. I will blog about my successful gay marriage next time, very relevant and in keeping with the Sydney Mardigras festivity. Huwag kayong magsasawa…)

Other post/s by Mars Cavestany

If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or using these buttons to share it with your friends in your social network.

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *